Iza Calzado, inaming maaaring ikasal sa April 2018

ABS-CBN News

Posted at May 05 2017 11:09 AM

MANILA - Inamin ng aktres na si Iza Calzado na posibleng siya na at ang nobyong si Ben Wintle ang maaaring ikasal sa Abril ng susunod na taon.

Sa "Magandang Buhay" nitong Biyernes, napaamin si Iza sa tanong ng guest host na si Boy Abunda kung sila ba ni Ben ang pinatutungkulan ng mensahe ng talent manager na si Noel Ferrer sa Instagram na maaaring ikasal sa April 28, 2018.

"Kapag siya po ay nag-propose na posible," pag-amin ni Iza.

"Kasi ganito 'yon, ang daming nagtatanong kung kami raw ba 'yon. Pinangunahan naman kami. Ni-reserve nila pero hindi pa kami engaged, so nakaka-stress," paglilinaw ng aktres.

Dagdag ng aktres, ang petsang April 28 ay wedding anniversary nina Judy Ann at Ryan Agoncillo pati na rin ng iba pang celebrity couples.

Dahil sa paniniwalang ito, pinagkasunduan ng mga kaibigan nina Iza na i-reserve na ang petsang ito para sa kasal nila ni Ben.

"The intent of the group, not just Noel, Juday, we have a chat group. Sabi nila auspicious 'yung date, sino ang isusunod natin? Sabi mismo ni Juday 'di ba dapat si Iza at si Ben.' Tapos ni-reserve na nila," paliwanag ni Iza, na inaming hindi pa alam ng nobyo ang pangyayari.

"Hindi pa niya alam. Mamaya, sasabihin ko sa kanya," aniya.

Ayon sa aktres, darating at darating din ang panahon na hihingin na ni Ben ang kanyang kamay para sila ay maikasal.

"It's going to happen (proposal). Actually, kasalanan ko rin yata kasi dati [sabi ko] 'I don't want to get married yet, I don't want to get married yet.' Dumarating pala 'yung point na, 'ay pwede na akong magpakasal.' Pero I think dumating na ako sa point na mas mature na ako at alam kong lahat ng fears ko ay nasa utak ko lang," ani Iza.

Dagdag ng aktres, napag-uusapan na nila ni Ben ang pagpapakasal at siya na lang ang hinihintay nito para maging handa sa pagkakaroon nila ng isang anak.
 
Para rin kay Iza, si Ben na ang maituturing niyang "a love to last."

Sa ngayon maliban sa seryeng "A Love To Last" ay bida rin si Iza sa pelikulang "Bliss" na ipapalabas sa mga sinehan ngayong Mayo 10.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.