Mga artista ibinahagi ang karanasan sa Luzon quake

ABS-CBN News

Posted at Apr 23 2019 09:27 PM | Updated as of Apr 23 2019 09:38 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Ibinahagi ng mga celebrity ang kani-kanilang karanasan nang tumama noong Lunes ang isang magnitude 6.1 na lindol sa Luzon.

Naramdaman ang nasabing lindol — na may sentrong nasa Castillejo, Zambales — sa Metro Manila at mga karatig-lalawigan. 

Hindi malimutan ni DJ Jhai Ho nang biglang lumindol habang ini-interview si Toni Gonzaga sa ika-14 palapag ng ABS-CBN.

Nagdasal na lang daw sila ni Gonzaga hanggang makababa ng gusali.

Na-pack up at ni-reschedule na lang ang taping. Nagpasalamat din si Jhai Ho na ligtas silang lahat.

Bukod kina Gonzaga, lumikas din ang Kapamilya stars gaya nina Jodi Sta. Maria, Bela Padilla, at Tony Labrusca. Kasama sila sa press conference para sa seryeng "Sino Ang May Sala? Mea Culpa."

Shocked din si Ruffa Gutierrez nang maabutan ng lindol sa isang hotel.

Ramdam din ang lindol sa personality development class ng beauty queen at "It's Showtime" judge na si Nicole Cordoves, at "lava walk" inventor na si Caloy Buendia.

Nasa sasakyan naman si Loisa Andalio nang biglang yumanig.

"Akala ko pinagti-trip-an lang ako ng mga kaibigan ko," ani Andalio.

Bumaba rin si Sharon Cuneta mula sa kaniyang condominium unit sa Makati kasama ang mga alagang aso.

"Tumakbo talaga palabas," ani Cuneta.

"Nahilo ako, humiga ako kasi the higher you are, the stronger it is," dagdag ni Cuneta.

Ikinuwento naman ni Angel Locsin na nasa gitna sila ng eksena ni Tirso Cruz III para sa "The General's Daughter" nang lumindol.

Agad daw nilang tinawagan ang kani-kanilang mga pamilya.

Nanguna naman sa paghingi ng dasal sina Ogie Alcasid, Vice Ganda, at Anne Curtis habang nagpaalala sina Gary Valenciano at Lea Salonga ng pag-iingat. --Ulat ni Ganiel Krishnan, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.