Vice, naluha nang maalala ang paglalayas ng kaniyang lolo

ABS-CBN News

Posted at Apr 15 2019 02:08 AM

Watch more in iWant or TFC.tv

Hindi napigilan ng komedyanteng si Vice Ganda ang maluha habang ibinabahagi ang naging karanasan niya nang maglayas ang kaniyang lolo.

"Yan 'yung nalulungkot ako kasi, ang dami kong pagkukulang diyan," kuwento ni Vice.

Ayon kay Vice, kasisimula pa lamang niya noon sa "It's Showtime" at pinagawaan niya ng bahay ang kaniyang lolo.

"Ako 'yung pinakapaborito niyang apo. Tapos pinagawan ko siya ng bahay sa Project 6, doon siya nakatira. Pinapanood niya ako lagi," ani Vice.

Pero sumama ang loob sa kaniya ng kaniyang lolo dahil nawalan siya ng panahon na makasama ang kaniyang lolo.

"Tapos may isang pagkakataon na na-realize niya na wala nang panahon si Totoy sa akin. Parang, wala na akong relevance, hindi na ako napapansin ni Totoy. Lumayas siya, bumalik siya ng La Union," kuwento ni Vice.

Dahil dito, pinuntahan ni Vice ang lolo niya sa La Union para sunduin ito. Isinama na rin niya ito sa kaniyang bahay.

"Yung lolo ko, tungkod ko siya. Tungkod siya ng buong pamilya ko," aniya.

Pumanaw ang lolo ni Vice na si Gonzalo Dacumos noong ika-25 ng Disyembre, 2014.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.