'ASAP': OPM divas sanib-puwersa sa birthday number ni Regine

ABS-CBN News

Posted at Apr 14 2019 03:08 PM

Nagsama-sama ang mga bigating diva ng original Pilipino music (OPM) sa isang natatanging pagtatanghal para sa kaarawan ni Regine Velasquez.

Watch more in iWant or TFC.tv

Isang maagang pagdiriwang ang idinaos para sa ika-49 kaarawan ng tinaguriang "Asia's Songbird" sa "ASAP" ngayong Linggo, kung saan nakasama niyang umawit ang mga kapuwa beterano at ilang baguhang mang-aawit.

Kasama ni Velasquez sa pagkanta ng "Bakit Ako Mahihiya" si Dulce, "Points of View" si Pops Fernandez, at "Somewhere" mula sa musical na "West Side Story" sina Kuh Ledesma at Zsa Zsa Padilla.

Nakasama rin ni Velasquez sina Morissette Amon, KZ Tandingan, Yeng Constantino, at Angeline Qunito para sa kantang "Shine," at ang kaniyang "anak-anakan" na si Sarah Geronimo sa "Pangarap Na Bituin."

Watch more in iWant or TFC.tv

Inawit din ni Velasquez ang kantang "You'll Never Know" kasama ang inang si Teresita, "Live with Somebody You Love" mula sa musical na "Martin Guerre" kasama ang mister na si Ogie Alcasid, at "A Million Dreams" kasama ang anak na si Nate.

Sa Abril 22 ang mismong kaarawan ni Velasquez.

Unang sumikat si Velasquez noong dekada 80 nang magwagi sa mga singing contest na "Ang Bagong Kampeon" at Asia-Pacific Song Contest.

Noong dekada ring iyon unang napanood sa ABS-CBN si Velasquez, noo'y 16 anyos, nang maging bahagi siya ng variety show na "Teen Pan Alley," kasama sina Janno Gibbs at Bing Loyzaga.

Lumabas din siya sa programang "Triple Treat" at nag-guest sa "Small Brothers" nina Gibbs at Alcasid.

Ilan lang sa mga kantang pinasikat ni Velasquez ang "Pangako" at "Narito Ako."