Piolo, bibida sa bagong pelikula ni direk Brillante Mendoza

Jeff Fernando, ABS-CBN News

Posted at Apr 09 2019 12:06 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

MANILA -- Sa formal opening ng 2019 Sinag Maynila Independent Film Festival, naibahagi ng award-winning filmmaker na si Brillante     Mendoza ang pelikulang ginagawa niya ngayon kung saan bibida si Piolo Pascual sa isang kakaibang papel.

"Mayroon akong upcoming project although shinu-shoot pa lang siya. Nakapag-shoot na kami. Hindi pa kami tapos. Marami pa kaming shooting. I was surprised kasi first time kong makatrabaho si Piolo and alam natin lahat na hindi talaga ako nakakapagtrabaho sa mga mainstream actors. So, I was happily surprised na si Piolo madali siya mag-adapt sa way of filmmaking style ko, 'yung aesthetics ko na paggawa ng pelikula," ani Mendoza.

Nakapag-shooting na sila sa Luzon at marami pang mahalagang eksena ang kukunan sa Mindanao ayon kay direk Brillante.

Bukod kay Piolo, marami pang mainstream actors ang makakasama.
 
"It will involve a lot of mostly mainstream actors. Matagal pa kasi dahil mage-edit pa kami, kumbaga magshu-shoot pa kami. Pero offhand, yung kuwento niya tungkol siya sa encounter ng SAF at ng mga MILF," ani Mendoza.

Dahil kilalang umaani ng tagumpay sa ibang bansa, plano na ba itong isama sa iba't ibang film fest abroad? Sagot ni Mendoza: "Basta ang importante ngayon matapos muna 'yung film. Gusto namin mapanood, mabuo muna siya and then we'll decide after."

Excited ang fans ni Piolo na mapanood ang makabuluhang pelikulang ito ng aktor na hahamon sa kanyang talento sa pag arte.