Yeng Constantino, ibinahagi ang aral na natutunan ngayong lockdown

ABS-CBN News

Posted at Apr 08 2020 04:01 PM | Updated as of Apr 08 2020 10:22 PM

MANILA — Sa kabila ng pagsubok na pinagdadaanan ng mundo dala ng coronavirus disease (COVID-19), mayroon ding mga magagandang bagay na nalilikha nito, ayon kay Yeng Constantino.

“Ang ganda ngayon kasi ang daming opportunities na lumalabas to donate, " ani Yeng sa “Lunch with the Stars Live!" sa Facebook nitong Martes kung saan nakasama niya rin ang kapwa niya Cornerstone artists na sina John Prats at Erik Santos.

"Ang maganda ay may mga taong gumagawa ng fundraising para makarating sa maliliit na barangay kasi... makikita mo sa Facebook ang dami pala nating mga kababayan na hindi nahahatiran ng relief goods. So ang ganda nagkakaroon tayo ng totoong modernong bayanihan. Ang galing ng technology, puwede ka magbigay through online banking. Ang sarap sa feeling na magbigay. Ang sarap sa feeling na makatulong sa moment na ito,” dagdag niya.

Mayroon ding aral na itinuturo ang nangyayaring krisis ngayon sa mundo.
 
“Mare-realize mo na hindi kailangan na masyadong excessive. Parang okay lang pala na umiikot ang things, nabubuhay ako na ito lang ang ginagamit ko. Hindi pala kailangan na sobra-sobra. Parang nakaka-grateful na may enough ka,” ani Yeng.

“Ako, na-realize ko na ang ikli ng buhay, so dapat tayo parang mas ma-cherish mo how fragile life is at ma-appreciate mo na i-seize ang life mo to do good,” dagdag niya.

At kung dumating na ang panahon na matapos na ang lockdown, nais ni Yeng na makasama ang kanyang mga magulang.

“Feeling ko magkalayo kami nasa province sila tapos ako nandito. Ang na-realize ko na hindi sapat sa akin na tawag lang. Gusto ko na mas makasama sila nang madalas. Na-realize ko rin ang hilig sa pagta-travel. Kako pagkatapos nito baka mag-schedule ako ng time to experience more sa buhay,” aniya.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.