Vice Ganda, Mimiyuuuh namigay ng relief packs sa mga taga-QC

ABS-CBN News

Posted at Apr 05 2020 11:34 AM | Updated as of Apr 07 2020 08:27 PM

Vice Ganda at Mimiyuuuuh. Retrato mula sa Instagram: @praybeytbenjamin/ @mimiyuuuh

MAYNILA -- Tuloy-tuloy ang pamamahagi ng tulong ng mga kilalang personalidad sa mga taong labis na naapektuhan ng Luzon lockdown bunsod ng COVID-19 pandemic.

Nag-donate ang "It's Showtime" host na si Vice Ganda ng food packs sa 850 pamilya sa Barangay South Triangle at Barangay Paligsahan sa Quezon City.

Watch more in iWant or TFC.tv

Laman ng bawat food pack ang canned goods, bigas, noodles, sabon, at iba pang essential items.

Ang pamimigay ng tulong ng komedyante ay bilang bahagi ng pagdiriwang ng kaniyang ika-44 na kaarawan noong Marso 31.

Katuwang ang ilang kompanya, namigay naman ang social media personality na si Mimiyuuuh ng kahon-kahong pagkain para sa mga pamilya sa Sitio San Roque sa Quezon City, ayon sa post ng advocacy group na Save San Roque.

Naging laman ng mga balita kamakailan ang mga taga-Sitio San Roque nang arestuhin ang nasa 21 residente nito matapos magtipon-tipon sa EDSA para manghingi ng ayuda.

Isinailalim sa enhanced community quarantine ang buong Luzon hanggang Abril 12 para mapabagal ang pagkalat ng COVID-19.

Umabot na sa 3,094 tao ang nagpositibo sa COVID-19 sa buong Pilipinas, base sa huling tala ng Department of Health nitong Sabado. -- May ulat ni MJ Felipe, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.