Nadine Lustre, sumagot sa mga nambabatikos sa kaniyang pagtatrabaho

ABS-CBN News

Posted at Apr 04 2018 03:52 PM

Rumesbak nitong Martes ang aktres na si Nadine Lustre sa mga negatibong komentong natatanggap niya hinggil sa umano'y pagiging hindi niya propesyonal sa trabaho.

"As long as 'yong ginagawa ko maganda ang lumalabas, that's what's important, 'di ba?" sabi sa ABS-CBN News ni Lustre.

"Parang okay naman ang results ng project na ginagawa ko. So it's up to them but I'm not affected," dagdag pa niya.

Ito ay matapos sabihin noong nakaraang linggo ng direktor na si Jun Robles Lana na hindi na bibida si Lustre sa binubuo niyang horror movie na "The Nurse."

Sa Twitter, pinaliwanag ni Lana na "scheduling conflict" o problema sa pag-iskedyul ang dahilan ng pagkaantala sa shooting ng "The Nurse."

"Been waiting too long and it’s taken too much of my time. Going to Japan 2x to prep is no joke. Time to move and let go and recast. Thanks for the interest, guys," sabi ni Lana sa Twitter.

Screengrab mula sa Twitter ni Jun Lana

Pero umaasa ang 24 anyos na aktres na mabibigyan pa rin siya ng pagkakataong bumida sa "The Nurse," lalo't ito sana ang unang beses na bibida siyang mag-isa matapos ang sunod-sunod na pelikulang kasama ang katambal na si James Reid.

"It's a good material kasi and it's different from the other projects that I've done before. Medyo suspense... If it's meant for me, makukuha ko naman po 'yon," ani Lustre.

Hinihintay pa rin ni Lustre ang opisyal na kompirmasyon mula sa Viva Entertainment, ang kompanyang nangangasiwa sa kaniyang career.

"With the schedule medyo tight po kasi pero hopefully, sana po," aniya.

Bago si Lana, nagkaroon din ng mga haka-hakang nagkaroon ng hidwaan sa pagitan ni Lustre at ang direktor na si Antoinette Jadaone matapos paghinalaang nagpasaringan ang dalawa sa social media.

Pero itinanggi ito ni Lustre at sinabing "misunderstanding" lang ang lahat.

Kasalukuyan namang abala si Lustre sa pag-promote ng pelikula nila ni Reid na "Never Not Love You," na dinirek ni Jadaone.

Pinagkakaabalahan din ni Lustre ang kaniyang make-up line na "Lustrous."

-- May ulat ni Jeff Fernando, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.