Korina, Mar balik-bansa kasama ang kanilang kambal

ABS-CBN News

Posted at Apr 01 2019 08:36 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Sa kauna-unahang pagkakataon, nakauwi na sa Pilipinas ang kambal ng mag-asawang Korina Sanchez at Mar Roxas.

Pagdating mula sa flight galing New York sa Amerika, ipinagmamalaking ipinakita nina "Rated K" host Sanchez at mister na si senatorial candidate Mar Roxas ang kanilang kambal na sina Pepe at Pilar.

Hindi birong bumiyahe na may kasamang kambal lalo at halos 25 oras ang biyahe mula Amerika, ayon kay Korina.

"Major production. Talagang... Double stroller, bassinets in the plane, you have to declare the milk tapos kailangan ng car seat... pero nakaraos naman kasi mababait," ani Sanchez.

"Datirati kung magbiyahe kami, siyempre, may hand carry ka nu'ng kung ano-anong mga gadgets na nabili mo. Ngayon... lampin, diaper, bote ng gatas," ani Roxas.

Kabilang sa mga sumalubong ang lola nina Pepe at Pilar na si Judy Araneta-Roxas.

Ayon kay Sanchez, hindi lang "nickname" ang pangalan nina Pepe at Pilar.

"It's part of their four, five names before the surname," aniya.

Sa pagbabalik sa bansa, magiging tutok pa si Sanchez sa pag-aalaga sa kambal.

Hindi na rin daw papatulan ni Sanchez ang mga basher na walang magandang masabi sa kaniyang mga anak.

Mas mahalaga raw para kina Sanchez at Roxas ang nakukuhang suporta at pagmamahal para sa kanilang bagong yugto bilang isang pamilya. --Ulat ni Gretchen Fullido, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.