Vice Ganda, aminadong natatakot para sa kapatid na doktor

ABS-CBN News

Posted at Mar 31 2020 03:58 PM | Updated as of Mar 31 2020 04:13 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

MAYNILA — Naging emosyonal si Vice Ganda nang maibahagi ang takot na nararamdaman para sa kanyang kapatid na doktor na patuloy na ginagampanan ang tungkulin sa kabila ng banta ng pandemikong sakit na COVID-19.

Matapos makatanggap ng pagbati mula sa kanyang pamilya sa selebrasyon ng kanyang kaarawan sa “It’s Showtime” nitong Martes, naikuwento ni Vice ang kapatid niyang doktor.

“'Yung ate ko kasi, alam mo, 'yun ang nagpapabigat sa akin every day. Kasi 'yung ate ko ay doctor, she goes to the hospital every now and then. So exposed siya. Ang lungkot ng buhay niya kasi ospital, tapos kapag uuwi siya ng bahay hindi siya puwedeng lumabas ng kuwarto. Hindi niya nakakasalamuha ang nanay ko, hindi siya puwedeng tumabi sa nanay ko kasi ang nanay ko ay matanda na. So pagkagaling sa ospital, from sasakyan, diretso ng kuwarto, tapos dinadalhan lang siya ng pagkain,” ani Vice.

“Alam mo nakakaawa ‘yung pagkain niyang inaabot lang sa pinto. Kasi nga exposed siya,” ani Vice na 'di na mapigilan ang emosyon.

“Every day, hinaharap namin 'yung fear na baka, hindi ba? Kasi exposed nga siya sa danger. Kaya noong nakaraan nagte-text siya sa akin kasi natatakot siya, pero kailangan niyang gampanan ang trabaho niya bilang doktor. Siyempre kailangan ko maging malakas kasi sa pamilya namin, parang ako 'yung panganay. Hindi ako puwedeng mahina, so kailangan malakas ako. Tinext ko lang siya ng isang linya. Sabi ko ‘Your faith must always be stronger than your fears.’ 'Yun lang ang (tinext) ko. Hindi ako puwedeng magparamdam na natatakot ako para sa kanya, kasi baka lalo siyang matakot,” dagdag ni Vice.

Para kay Vice, naniniwala siya na matatapos din ang krisis na ito sa tulong ng Diyos.

“Ako talaga kapit na kapit ako sa paniniwala na maayos ang lahat, mase-save tayong lahat. We have a God who saves and we have a God who will provide for everything that we need,” ani Vice.

Maliban sa kanyang kaibigan at pamilya, nagpahatid din ng pagbati at pasasalamat ang frontliners mula sa Quezon City General Hospital na tinutulungan ni Vice.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.