Matteo, sinagot ang mga paratang na 'di siya tapat' kay Sarah

ABS-CBN News

Posted at Mar 30 2018 12:41 PM

Dinepensahan ng aktor na si Matteo Guidicelli ang kaniyang sarili sa mga bumabatikos na hindi umano siya tapat sa nobyang si Sarah Geronimo. 

May lumabas kasi na retrato na may babaeng nakasakay sa balikat ni Guidicelli na ipinost niya bilang Instagram story.

Tinawag siyang "flirt" ng ilang netizen, dahilan para pumatol ang aktor sa mga ito. 

Paglilinaw ni Guidicelli, make-up artist niya ang babae at ginagawa niya iyung ehersisyo dahil kailangan niyang maging "fit" para sa mga eksena sa seryeng "Bagani."

Giit ni Guidicelli, kung may itinatago siya ay bakit niya ipo-post pa ito sa sariling social media account.

Katunayan, sa pagdiriwang ni Guidicelli ng kaniyang ika-28 kaarawan noong Lunes ay nag-viral pa ang duet nila ni Geronimo. 

Apat na taon nang magkarelasyon ang dalawa pero sa usapang kasal, dahan-dahan daw muna sila at ine-enjoy ang kanilang pagsasama.

Bukod naman sa Bagani, malapit na din mapanood si Guidicelli sa kaniyang pelikulang "Single\Single" kasama si Shaina Magdayao. Patungkol ito sa "modern millennial relationships" na nagmula sa isang TV series sa Cinema One. 

Para sa Semana Santa, sa isang isla sa Palawan magbabakasyon si Guidicelli kasama ang pamilya at mga kaibigan. --Ulat ni Gretchen Fullido, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.