Alex Gonzaga, hiling ang dasal at pagtulong sa gitna ng krisis

ABS-CBN News

Posted at Mar 26 2020 12:52 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

MAYNILA — Batid ni Alex Gonzaga at ng kanyang pamilya ang pakiramdam ng taong sapat lang o kulang ang budget para matugunan ang pangangailangan sa araw-araw.

Kaya naman mabilis silang tumulong nang isailalim sa enhanced community quarantine ang Luzon dahil sa coronavirus (COVID-19).

“Noon, hindi naman kami kaganda ang buhay," pag-amin ni Alex sa "Magandang Buhay" nitong Huwebes. "Kunwari nasa grocery ka, alam mo na kailangan mong mag-stock ng maraming pagkain dahil magla-lockdown pero kulang ang budget mo. Alam mo 'yung pakiramdam na sapat na sapat lang ang mayroon ka. 

"Kami as a family, we always try to help, dahil gusto naming iparating sa kanila na may help on the way. Para lang makarating sa kanila na puwede na sila mag-stay sa bahay, puwede na silang hindi mag-risk ng kanilang health para makakuha ng pagkain kasi may paparating na tulong. Kahit nandito ka sa bahay, puwede ka pala gumawa ng something na ikakalugod ng iyong pakiramdam. Siyempre nakakalungkot din na hindi mo mabibigyan lahat. Kung puwede lang bigyan lahat,” ani Alex.

Dahil na rin sa krisis na hinaharap ng bansa dahil sa COVID-19, hiling ni Alex sa publiko ang manalangin at huwag mawalan ng pag-asa. 

Aniya, ito rin ang tamang panahon para magbigay ng tulong sa mga nangangailangan.

“Magdasal po tayo. Ipagdasal natin, mabigyan tayo ng hope. At sa atin namang mga Kapamilya na blessed ni Lord ng sobra-sobra, maybe it’s time na we become a blessing to other people na ibigay natin o i-share natin kung ano ang mayroon tayo. Just hold on dahil God will always provide,” ani Alex.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.