PANOORIN: Lalaki, nag-propose sa 14-taon na niyang nobya sa 'ASAP'

ABS-CBN News

Posted at Mar 18 2018 02:38 PM | Updated as of Mar 18 2018 10:38 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Ilan lang ang nabibigyan ng pagkakataong maipahayag ang kanilang pag-ibig sa harap ng nakararami.

Kaya hindi na nagdalawang isip pa si Jeff Bongao na alukin ng kasal ang nobyang si Joanne Montoya sa harap ng mga manonood ng "ASAP" nitong Linggo.

Bago ito ay itinampok sa segment na "TLC" ang kuwento ng magkasintahan, na halos 14 taon nang magkarelasyon.

Nang hingan ng panauhing si Erik Santos ng mensahe si Bongao para kay Montoya, bigla na lang itong lumuhod sa harap ng nobya at naglabas ng singsing.

"Proud ako na nalagpasan natin lahat ng pagsubok. Tingin ko ito na 'yong right time para i-level up natin iyong [relasyon]. Will you marry me?" sabi ni Bongao.

"Yes na yes," tugon naman ng babae.

Ilang beses humarap sa balakid ang dalawa sa loob ng halos 14 taon nilang pagsasama, na nagsimula noon pang nasa high school sila.

Naroon ang hirap na mapanatili ang relasyon kahit naging abala sa ibang mga bagay noong kolehiyo.

"Napabarkada ako, [nahilig] sa mga computer game, nawalan ako ng time sa kaniya," kuwento ni Bongao.

May pagkakataong nalayo rin sila isa't isa dahil kinailangan ni Montoya na lumipat sa Quezon City para magtrabaho habang nanatili si Bongao sa Laguna.

Noong ika-10 taon nila, sinubukan din nilang manirahan ng magkasama subalit hindi ito nagtagumpay dahil sa kakulangang pampinansiyal.

Pero para kay Montoya, ang pinakamasakit dito ay noong nalaman niyang nangaliwa si Bongao.

"Pinakamasakit na test ng relationship namin is nagkaroon siya ng affair with a co-worker that lasted for two years," kuwento ni Montoya.

"Thirteen years kami [noon], 'di ko alam kung paano [a]ko mag-uumpisa ulit," dagdag ni Montoya.

Pansamantalang naghiwalay ang dalawa hanggang sa sinubukan ni Bongao na masungkit muli ang puso ni Montoya.

"Naisip ko kasi parang 'di ko talaga kaya na mawala siya," ani Bongao.

Sinabi ni Montoya na nahihigitan ng kaniyang pagmamahal para kay Bongao ang pagkakamali ng lalaki.

"Some people might think it's a stupid decision to take him back pero lahat naman tayo nagkakamali," paliwanag ni Montoya.

Handog nina Santos, Angeline Quinto, Kyla, at Daryl Ong ang awiting "You're Still the One" ni Shania Twain para kina Montoya at Bongao.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.