Mga huling sandali ni Chokoleit ibinahagi ng mga kasama sa Abra show

ABS-CBN News

Posted at Mar 10 2019 06:41 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Pumanaw noong gabi ng Sabado sa edad na 48 ang komedyanteng si Chokoleit, ayon sa kaniyang talent agency na Star Magic.

Sa isang pahayag, sinabi ng Star Magic na nagtatanghal si Chokoleit — na ang tunay na pangalan ay Jonathan Garcia — sa Abra nang mahirapan daw ito sa paghinga.

Isinugod pa sa ospital si Chokoleit pero agad ding pumanaw dahil sa atake sa puso.

Isa sa mga nakasama ni Chokoleit mag-perform sa Abra ang aktor at mang-aawit na si JM de Guzman.

Ayon kay De Guzman, akala lang niya ay pagod ang komedyante noong mga sandali bago ito itakbo sa ospital.

"Not his usual self na parang jolly... inisip ko parang baka pagod lang or feel down," ani De Guzman.

"Pero at the same time I know he's in a safe place, happy place," dagdag ni De Guzman.

Hindi rin makapaniwala si Pops Fernandez sa pagpanaw ni Chokoleit, na nakasama rin niya sa nasabing event sa Abra.

Nakakuwentuhan pa raw ni Fernandez si Chokoleit bago ito pumanaw.

"Sabi ko, 'Kumusta ka na?' sabi niya, 'I'm in a good place right now saka nakaipon na ako, Ms. Pops' so sabi ko 'I'm happy happy ko naman for you," kuwento ni Fernandez.

Bumuhos din ang pakikiramay ng mga sikat sa social media.

Nagpasalamat ang kapuwa komedyante na si Vice Ganda sa pagkakaibigan nila ni Chokoleit.

"Thank you Lord for giving me a chance to meet Chokoleit and become his friend. I'm sad that we lost him," sabi sa tweet ni Vice Ganda.

"But happy that he’ll be in a much peaceful and happier place now with you.Thanks for everything Chokie. I love you!" ani Vice Ganda.

Nag-post din ng video si Claudine Barretto ng kanilang masasayang sandali ni Chokoleit.

Nagkasama ang dalawa noong 2004 sa fantaseryeng "Marina," kung saan nagsimulang umarangkada ang karera ni Chokoleit.

Ilan pa sa mga nagpaabot ng kanilang pakikiramay ay sina Ogie Alcasid, Vhong Navarro, Angel Locsin, at Paulo Avelino.

Nagbigay din ng madamdaming tribute ang "ASAP" para kay Chokoleit.

-- Ulat ni Ganiel Krishnan, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.