Boholanang nag-viral sa pagkanta nagpabilib, hinarana sa 'ASAP'

ABS-CBN News

Posted at Mar 10 2019 02:43 PM

Kung noon ay sa social media lang maririnig ang kaniyang tinig, ngayon ay mas malaking entablado sa telebisyon ang ibinigay kay Jiezl Calunia para maipakita ang kaniyang angking galing sa pagkanta.

Pinahanga ni Calunia ang mga netizen matapos mag-viral sa social media ang video niya habang kinakanta ang "You're Still the One" ng Canadian singer na si Shania Twain.

Watch more in iWant or TFC.tv

Inimbita si Calunia sa musical variety show na "ASAP" para ipamalas ang kaniyang talento kasama ang ilang Kapamilya heartthrobs na ayon kay Calunia ay kaniyang mga crush.

Nakasama ni Calunia sa pag-awit ng "You're Still the One" sina JM De Guzman at Michael Pangilinan, "Way Back Into Love" ang mga miyembro ng BoyBandPH, at "You Are My Sunshine" si James Reid.

Kuwento ni Calunia, bata pa lamang siya ay talagang hilig na niya ang pagkanta.

"Noong bata pa po ako, gusto ko po talagang maging isang sikat na singer," sabi ni Calunia, isang 23 anyos na estudyante mula Tubigon, Bohol.

Sa likod din ng kaniyang masiyahing pag-uugali ay ang pangungulila ng isang anak sa kaniyang mga magulang.

Ipinagbubuntis pa lamang si Calunia ng kaniyang ina nang iniwan umano sila ng kaniyang ama. Kalaunan ay iniwan din daw siya ng kaniyang ina sa kaniyang lola, na siyang nagpalaki sa kaniya.

Pero sa tulong ng musika ay bahagyang napapawi ang lungkot na nararamdaman ni Calunia.

"Tuwing naglilinis po ng banyo, ayon, kumakanta po ako para mawalan po 'yong kaunting lungkot," kuwento niya.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.