Daniel Padilla, nagpasalamat sa tulong ni Albert Martinez

ABS-CBN News

Posted at Feb 28 2018 12:50 PM | Updated as of Oct 18 2018 12:41 AM

MANILA -- Nagpasalamat si Daniel Padilla sa aktor na si Albert Martinez sa malasakit at mga aral na ibinigay nito para sa seryeng "La Luna Sangre."

Sa isang panayam para sa pagtatapos ng sikat na Kapamilya serye, ibinahagi ni Daniel ang mga nagawa at natutunan niya sa beteranong aktor.

"Napaka-hands on na tao na 'yon. Lalo na sa show namin na ito, hindi pumapayag na basta-basta ang eksena. Kunwari, na feel niya, 'Ano ang rason ng eksenang ito?' Malaking tulong 'yan sa akin kasi lagi ko siyang kasama. Ako rin natututo ako sa kanya. Hindi naman sa lahat ng eksena ay binabaril namin, pero hahanapin mo ang lalim ng eksena. Ano ba ang objective ng eksenang ito," ani Daniel.

"Grabe si Tito A, minahal niya 'yung pagiging Prof. T niya rin talaga. Talagang minahal niya ang karakter na 'yon. And for that, nagpapasalamat po kami. ...Salamat sa opportunity na makatrabaho," dagdag ni Daniel na gumanap bilang Tristan, isa sa mga Moonchasers na pinamumunuan ni Prof. T na tuluyan nang nagpaalam sa serye.

Sa Instagram nitong Miyerkoles, inalala ni Albert ang pagiging parte niya ng serye.

Matatandaang tinanggap ni Albert ang "La Luna Sangre." para muling makatrabaho sina Daniel at Kathryn Bernardo na nakasama niya sa seryeng "Princess and I."

Magtatapos na ang "La Luna Sangre" sa Biyernes, Marso 2.

 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.