Pag-abot ng bulaklak ni Matteo sa concert, minasama ba ng magulang ni Sarah G?

ABS-CBN News

Posted at Feb 23 2020 12:03 AM | Updated as of Feb 23 2020 08:52 AM

MAYNILA—Hindi umano naging maganda ang reaksyon ng mga magulang ni Sarah Geronimo sa ginawang pag-abot ni Matteo Guidicelli ng bulaklak sa kasintahan sa pagtatapos ng unang araw ng kaniyang concert kasama si Regine Velasquez.

Matatandaang noong Pebrero 14 ay idinaos ang "Unified" concert nina Geronimo at Velasquez sa Araneta Coliseum.

Kapwa dumalo sina Guidicelli at ang mga magulang ni Geronimo. Nakaupo si Guidicelli sa harap kasama ang iba pang manonood.

Nang matapos ang concert, umakyat si Guidicelli sa stage at inabutan ng bouquet ng bulaklak si Geronimo. Ang singer na si Ogie Alcasid naman ang nag-abot ng bulaklak sa asawang si Velasquez.

Ayon kay MJ Felipe ng ABS-CBN News, naging isyu umano para sa mga magulang ni Geronimo sa nangyari.

"Ayon sa aking source, so di ba umakyat si Ogie Alcasid, si Ogie ang nag-abot ng flowers para kay Ate Reg, tapos si Matteo ang nag-abot kay Sarah. Isyu pala 'yun," kuwento ni Felipe sa kaniyang radio show na "OMJ!" sa DZMM nitong Sabado.

Dagdag pa ni Felipe, ikinagalit umano ng mga magulang ni Geronimo na hindi ang tatay nito na si Delfin o kaya ang kaniyang boss na si Vic del Rosario ng Viva Entertainment ang nag-abot ng bulaklak sa singer.

"According to my source who was there sa backstage, nagalit daw, diumano, ang parents ni Sarah kung bakit daw si Matteo ang nag-abot ng flowers kay Sarah. Bakit hindi daw si Boss Vic or siguro, bakit hindi si daddy?" ani Felipe.

Watch more in iWant or TFC.tv

Nabanggit din ni Felipe na ayon sa kaniyang source, si Del Rosario ang dapat na mag-aabot ng bulaklak kay Geronimo, ngunit ipinasa niya ang bouquet kay Guidicelli.

"Ang narinig ko, ang kuwento sa akin, si Boss Vic talaga 'yung may hawak ng flowers, kaso kasi si Matteo was nakaupo sa harap ni Boss Vic. Ang ginawa daw ni Boss Vic, inabot 'yung flowers kay Matteo and allowed Matteo to hand the flowers kay Sarah," kuwento ni Felipe.

Mainit na balita ngayon ang naging kasal nina Geronimo at Guidicelli, na hindi umano alam ng pamilya ni Geronimo.

Usap-usapan din ang relasyon ni Geronimo sa kaniyang mga magulang na sina Divine at Delfin, dahil na rin sa napabalitang kaguluhan sa kasal.

Ayon sa close-in security detail ni Sarah na si Jerry Tamara, sinuntok umano siya ni Guidicelli ‚Äčnang mapagbintangan siyang nagsumbong sa nanay ni Geronimo tungkol sa kasal.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.