Gabi ng 'secret wedding' nina Sarah at Matteo nagtapos sa sapakan: pulisya

ABS-CBN News

Posted at Feb 21 2020 05:58 PM | Updated as of Feb 21 2020 08:33 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

MAYNILA — Nauwi sa sapakan ang secret wedding nina Sarah Geronimo at Matteo Guidicelli noong Huwebes ng gabi, batay sa blotter ng pulisya.

Umaga pa lang ay kumalat na ang balitang ikakasal ang couple, pero buong araw ay nag-taping si Geronimo. Pero pagsapit ng alas-3 ng hapon, naglaho ang Popstar Royalty at hindi na mahagilap.

Buong gabi nag-abang ang lahat kung may lalabas bang balita, retrato, o anumang kumpirmasyon kung may kasalan bang naganap o wala.

Hanggang madaling araw ng Biyernes nang bumulaga sa media ang isang blotter kung saan sangkot si Guidicelli at security officer umano ni Geronimo na nagngangalang Jerry Tamara.

Ayon sa salaysay ni Tamara, alas-11 Huwebes sa Shangri-la Hotel sa The Fort ay sinuntok siya ni Guidicelli sa leeg matapos paghinalaang itinimbre kay Divine Geronino, ina ni Sarah, ang kasalan.

Sumugod kasi si Divine sa Shangri-La para kausapin si Sarah ukol sa kasal, na hindi umano alam nito.

Hindi naman nagsampa ng pormal na reklamo si Tamara laban sa aktor, sabi sa blotter.

Gayunman, wala pang lumalabas na ibang detalye ukol sa kasal ng celebrity couple.


—Ulat ni MJ Felipe, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.