Kambal na anak nina Korina at Mar ipinakilala sa Instagram

ABS-CBN News

Posted at Feb 21 2019 08:21 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Ibinunyag ngayong Huwebes ng "Rated K" host na si Korina Sanchez na mayroon na silang kambal na anak ng asawang si senatorial candidate Mar Roxas.

Sa isang Instagram post, ibinahagi ni Sanchez ang retrato ng mga paa ng kambal kasama ang caption na: "I think if you believe hard enough, the miracle you most want can come true. Announcing the arrival of our little boy and little girl."

Sa post, humingi rin si Sanchez ng suhestiyon sa pangalan ng kambal.

Lumipad pa-Amerika sina Sanchez, 54, at Roxas, 61, para sa "happy event."

Ipinanganak ang kambal sa pamamagitan ng surrogacy kung saan ibang babae ang magdadala sa kaniyang sinapupunan at magsisilang ng bata, na galing sa punla ng dalawang magulang.

Unang ipinanganak ang lalaki na sinundan naman ng babae makaraan ang isa't kalahating oras.

Abala si Sanchez sa pagpapainom ng gatas sa kambal kada dalawang oras, ayon sa mag-asawa.

Ikinasal noong Oktubre 2009 sina Sanchez at Roxas, at matagal na raw nilang pinagsisikapang magka-baby.

Inaasahan namang babalik si Roxas sa darating na weekend para lumahok sa ikalawang "Harapan 2019," ang senatorial town hall debate ng ABS-CBN.

-- Ulat ni Gretchen Fullido, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.