PANOORIN: TNT Boys sinorpresa ni Ariana Grande sa James Corden show

ABS-CBN News

Posted at Feb 20 2019 02:43 PM | Updated as of Feb 20 2019 09:34 PM

MANILA (UPDATED) – Mistulang pangarap na natupad ang pag-perform ng TNT Boys sa talk show ng British host na si James Corden dahil bukod sa pagkakataong muling magpabilib sa ibang bansa, naka-duet din nila ang American pop singer na si Ariana Grande.

Sa video na inilabas ngayong Miyerkoles (Manila time) sa social media pages ng “The Late Late Show with James Corden,” mapapanood ang pag-guest nina Keifer Sanchez, Mackie Empuerto, at Francis Concepcion sa naturang programa, kung saan sinorpresa sila ng iniidolo umano nilang si Grande.

Watch more in iWant or TFC.tv

Bago umawit, nakapanayam muna ni Corden ang TNT Boys, kung saan ikinuwento ni Corden na noong una niyang nakilala ang TNT Boys, tila nagbighani sa kaniya si Concepcion.

Akala raw ni Corden na kaya ganoon ang reaksiyon ni Concepcion ay dahil sikat siya sa Pilipinas pero iyon pala ay dahil dati nang nakilala ni Corden si Grande.

“My favorite thing about meeting you guys was when you had just performed on stage and there was a commercial break and I came over, and I came to meet you, Francis, and you went like this… ‘Oh my God, oh my God,’” kuwento ni Corden.

“I was like, I thought ‘I’m huge in the Philippines, I’ve got all these fans’… And I went ‘hi’ and your first words were, ‘You’ve met Ariana Grande,’” ani Corden.

“Ariana Grande is my favorite singer,” ani Concepcion. “I love Ariana Grande’s voice and I love her attitude.”

Watch more in iWant or TFC.tv

Pero lingid sa kaalaman ng TNT Boys, pinapanood na pala sila ni Grande mula backstage noong mga panahong iyon.

Sa gitna ng pagkanta ng TNT Boys ng “And I Am Telling You I'm Not Going” mula sa musical na "Dreamgirls," biglang lumabas si Grande at sinabayan sila pag-awit. Ikinagulat ito ng TNT Boys at lalo ni Concepcion.

Sa pagtatapos ng kanta, lumuhod at nag-bow pa sa kanila si Grande.

“I’m obsessed with you guys, you guys are so incredible,” sabi ni Grande sa TNT Boys.

Nagkaroon din ng “meet and greet” moment ang TNT Boys kay Grande backstage, kung saan nagpaunlak ang American singer na makipag-selfie sa tatlo.

Nagbiro pa si Grande na nakailang pindot sa kanilang mga phone ang TNT Boys sa pakikipag-selfie sa kaniya.

“It literally was a photo set of seven million pictures,” ani Grande.

“There's more pictures from that moment than there are of my whole life,” aniya.

Bago nito at ng paglabas nila sa “The World's Best,” nauna nang lumabas ang TNT Boys sa American, UK at Australian versions ng variety show na “Little Big Shots.”

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.