Aljur, namanhikan na ba kina Robin?

ABS-CBN News

Posted at Feb 20 2018 11:52 PM | Updated as of Sep 29 2018 03:30 AM

Watch more in iWant or TFC.tv

Larawan ng isang masayang ama si Robin Padilla sa set ng "Pilipinas Got Talent."
    
Sabi ng aktor, simula pa lang ng 2018 ay buong buo na ang taon niya.

Nitong weekend kasi, lumabas ang mga retrato sa social media nina Padilla at Aljur Abrenica, fiance ng anak ni Padilla na si Kylie, at ama ng apo niyang si Alas.
    
Sa nangyaring "family gathering" noong Sabado, kumpleto ang angkan ng mga Padilla at Abrenica.

Naging instrumento raw ang asawa ni Padilla na si Mariel Rodriguez sa naganap na espesyal na pagsasama ng dalawang angkan.

"May mga bagay na hindi ako mahilot, pero madalas kasi, siya 'yung nagsasabi na isipin ko si Kylie, isipin ko 'yung apo ko," ani Padilla.

Ito ang unang beses na nagkaharap muli sina Padilla at Abrenica. 

Matatandaang naging masalimuot ang relasyon ng dalawang aktor nang mabuntis si Kylie.

Enero noong nakaraang taon nang aminin ni Kylie na siya'y tatlong buwang buntis. 

Pero Oktubre 2016 lang umano nangyari ang engagement nina Kylie at Abrenica.
    
Gusto sana ni Padilla na ikasal muna si Kylie bago ito magkaanak.
    
Pero ngayon, isinantabi na ni Padilla ang nakaraan, alang-alang sa kaligayahan ni Kylie, at ng apo.

"Sinabi ko rin naman sa pamilya niya nung nandu'n sila sa bahay, tatay ako, pasensiya kayo, gano'n 'yun," ani Padilla.

Ngayong nagkaayos na sina Padilla at Abrenica, natanong tuloy ang aktor kung pamamanhikan na ba ang naganap sa nasabing family gathering, at kung may napipisil nang wedding date sina Abrenica at Kylie. 

"Hindi ako ang may kalayaan diyan. Hindi ko mai-ano 'yan, kasi siyempre sa akin, kanila 'yun," sinabi ni Padilla.

Sa isang statement, pinasalamatan ni Abrenica sina Padilla at Rodriguez sa pag-imbita sa kanya at kanyang pamilya.

Walang binanggit na kasalan si Abrenica, pero sinabing "overwhelmed" siya sa kasiyahan na ibinabahagi rin niya sa kanyang mga kaibigan at fans.

--Ulat ni Gretchen Fullido, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.