Barbie Imperial, napaiyak dahil sa kanyang ama

ABS-CBN News

Posted at Feb 19 2019 01:09 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

MANILA -- Hindi napigilan ng aktres na si Barbie Imperial ang mapaiyak sa pagbibigay ng mensahe sa kanyang ama.

Sa panayam sa "Magandang Buhay" nitong Martes, naging paksa ang kanyang buhay kasama ang ina. Limang taon pa lamang si Barbie nang mamulat siya sa paghihiwalay ng kanyang mga magulang.

"Papa, gusto ko lang po sabihin na never po akong nagalit sa iyo, na hanggang ngayon po ay hindi pa rin kumpleto kung ano 'yung nasa puso ko. Pero thank you po kasi ganito ako ngayon kasi simula po noong nawala ka, mas ginusto ko po na maging strong para sa sarili ko, para kay Mama," ani Barbie.

"Hindi po ako nagagalit. Alam ko na may reason kung bakit kayo umalis. I love you po," dagdag ani Barbie.

Ayon kay Barbie, sa kabila nang paghihiwalay ng kanyang magulang ay pinilit niyang mag-aral at mapabuti ang kanyang buhay.

"Sinabi ko sa sarili ko na hindi ako magrerebelde, mag-aaral akong mabuti at magiging successful ako. Kasi umalis nga po siya kasi may rason. Ayaw kong parang sasabihin na 'ah baka tama ang desisyon ko na umalis.' Ako parang gusto kong ipakita sa kanya na mali ang iniwan niya," ani Barbie.

Pag-amin ng aktres, minsan ay naiisip pa rin niya na makasama sa isang bahay at maranasan ang buhay na kasama ang ama.

"'Yun ang pinakamalaking sana para sa akin. Sana isang bahay kami ngayon ng papa ko. Kasi parang gusto kong ma-experience na paano kaya kung 'yung ginagawa ni Mama ay si Papa ang gumagawa noon. Paano kaya kung minsan ay si Mama ang sumasa sa akin sa taping, paano kaya kung si Papa 'yon. Gusto ko lang ma-experience kung paano. Minsan kahit isang araw lang, kahit isang oras lang," ani Barbie.

Ayon kay Barbie, paminsan-minsan ay nagkikita pa rin sila ng kanyang ama tuwing umuuwi siya ng Albay.

Samantala, maliban kay Barbie, naging emotional din ang aktres na si Dimples Romana nang magbigay ng mensahe sa kanyang ama na yumao na.

"Papa, hinding-hindi ka malilimot kahit anong mangyari. You will always live on, nandito kami hindi ka makakalimutan. Salamat kahit wala ka na ay nararamdaman ko na lagi kang nandiyan para sa amin. Sana alam mo na lahat nang ginagawa ko, wini-wish ko na nandito ka. Kasi masaya na kasama mo yung kasama mong mangarap. I hope I make you proud Papa," ani Dimples.

Ayon kay Dimples, 16 anyos pa lamang siya noong pumanaw ang kanyang ama dahil sa aneurysm.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.