Karla Estrada nagsalita sa pag-unfollow ni Daniel kay Kathryn

ABS-CBN News

Posted at Feb 18 2019 06:28 PM | Updated as of Feb 19 2019 04:38 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Ipinagkibit-balikat ni Karla Estrada ang pag-unfollow ni Daniel Padilla kay Kathryn Bernardo sa photo-sharing platform na Instagram.

Ayon kay Estrada, hindi naman daw "big deal" ang nangyari, at ipinaliwanag na rin naman daw ni Bernardo na aksidente lamang ang pagkaka-unfollow ng on-screen partner at nobyo sa kaniya.

"Natawa lang ako. These things really happen sa mga magkakarelasyon at maganda naman doon, na-explain naman ni Kathryn na, of course, it wasn’t Daniel ang nag-unfollow," sabi noong Linggo ni Estrada sa press conference ng pelikula niyang "Familia Blondina."

"Hindi masyadong big deal ‘yang mga bagay na ‘yan," ani Estrada.

Nauna nang nilinaw ni Bernardo na walang isyu sa pagitan nila ni Padilla matapos mapuna ng mga netizen ang pag-unfollow sa kaniya ni Padilla.

Aksidente raw na-block ni Bernardo si Padilla sa Instagram, dahilan para ma-unfollow siya ni Padilla.

Bago ang isyu ng pag-unfollow, naging maugong ang mga haka-hakang nag-propose si Padilla kay Bernardo matapos mag-post ang ina ni Bernardo sa Instagram ng pahayag na "may nag-propose."

Pero nilinaw ni Bernardo na hindi si Padilla ang tinutukoy ng ina.

Watch more in iWant or TFC.tv

Samantala, inihayag ni Estrada na sabik na rin siyang mapanood ng publiko ang "Familia Blondina," na ipalalabas simula Pebrero 27.

Iikot ang kuwento ng pelikula sa isang babaeng iniwan ang kaniyang pamilya, at tumuntong sa United States para pakasalan ang isang Amerikanong sundalo at nagkaanak ng tatlong blondes.

Tampok din sa pelikula sina Jobert Austria, Kira Balinger, Marco Gallo at Xia Vigor. -- Ulat ni Ganiel Krishnan, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.