Mga dapat abangan sa concert nina Vice Ganda, Regine Velasquez

ABS-CBN News

Posted at Feb 07 2019 06:00 PM | Updated as of Feb 07 2019 10:53 PM

Magtatambal sina Vice Ganda at Regine Velasquez para sa three-night back-to-back concert, na magsisimula sa Pebrero 14. ABS-CBN News

Mga bagong joke at song performance ang dapat asahan ng mga manonood mula kina Vice Ganda at Regine Velasquez sa nalalapit nilang serye ng mga concert.

Magtatambal ang dalawa para sa "The Songbird and The Song Horse" na idaraos sa Araneta Coliseum sa Pebrero 14, 15, at 16.

Watch more in iWant or TFC.tv

Sa pagharap ng dalawa sa media noong Martes, sinabi ni Vice na naghanda siya ng mga bagong joke na magpapasaya sa mga manonood. 

"This time around, siyempre ibang material kasi di naman puwedeng ulitin nang ulitin iyong mga joke since maraming umuulit din na nanonood, malalaman nila kung nagre-rehash lang ako ng mga joke," ani Vice. 

Inihayag din ni Regine ang kaniyang pagkasabik lalo at unang beses daw niyang mag-concert na may halong comedy o pagpapatawa.

"Hindi pa kami nagko-concert together so sa akin, exciting 'yong for the first time, 'yong concert may comedy," aniya.

May ilang kanta rin daw na unang beses ipe-perform ni Regine nang live, gaya ng "Ikaw Ang Aking Mahal" na inawit niya para sa seryeng "The General's Daughter."

Magkakaroon din daw ng "face-off" ang dalawa, ani Vice.

"Kakantahin niya 'yong mga kanta ko, kakantahin ko 'yong mga kanta ni Ogie kasi di ko kayang kantahin 'yong mga kanta niya," biro ng komedyante.

Para kay Regine, hamon daw ang hindi maubusan ng boses sa concert dahil sa katatawa.

"Ang medyo malaking challenge sa 'kin ang hindi tumawa sa concert, mauubos boses ko eh," ani Regine.

Sagot naman ni Vice sa kaniya: "Ako rin mauubos din boses ko kasi kahit nasa backstage ako, kapag kumanta ka, sasabayan ko rin naman siya." -- Ulat ni Ganiel Krishnan, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.