Marcelito Pomoy, last year pa inalok na sumali ng 'America's Got Talent'

ABS-CBN News

Posted at Jan 28 2020 11:59 AM | Updated as of Jan 28 2020 12:00 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

MAYNILA -- Labis ang kasiyahan ni Marcelito Pomoy na makapagbigay muli ng karangalan sa Pilipinas matapos niyang makapasok sa semifinals ng "America's Got Talent: The Champions."

Sa "Magandang Buhay" nitong Martes, inamin ni Marcelito na hindi niya inaasahan na mabibigyan siya ng pagkakataon na maging parte ng sikat na palabas sa Amerika. 

"Sobrang nakaka-proud bilang Filipino na makasali sa isang international event, show na ganun. Bihira po kasi. Siyempre hindi ko in-expect na makapasok ako sa ganun, sa 'America's Got Talent,'" ani Marcelito na ibinahagi na halos isang taon ang kinailangan para matuloy siya sa kompetisyon.

"Hindi pa (nagsi-sink in). Kasi last year pa, February, inalok na kami sa 'America's Got Talent' 'yung regular lang, hindi champion edition, hindi ako pumayag. Tapos nung October saka nag-message sa amin na champion edition, so lahat ng mga nanalo 'yun ang maglalaban-laban," ani Marcelito.

Kuwento ni Marcelito, noong nasa kompetisyon na siya ay hindi batid ng mga hurado kung ano ang kanyang talento kaya nagulat ang mga ito nang awitin niya ang duet version ng "The Prayer."

Ayon kay ni Marcelito, malaki ang pasasalamat niya sa kanyang asawa na si Joan na siyang naging daan para matuloy ang pagtungo niya sa ibang bansa at tuparin ang kanyang pangarap.

Aniya, ang kanyang misis na siya ring tumatayong manager niya ang nagtulak na sumali siya sa kompetisyon.

"Diyos ko! Sobra-sobra ang pasasalamat ko sa kanya. Ipinagdasal ko kasi noon, nung bago ako mag-isip na mag-asawa, sabi ko, 'Sana bigyan niyo ako ng isang babae na makakatulong sa akin kung ano ang katayuan ko ngayon,' at ito (si Joan) ang ibinigay sa akin kaya sobra ang pasasalamat ko," ani Marcelito sa kanyang asawa.
 
"Ang message ko lang ay salamat sa lahat at alam ko na nandiyan ka lagi sumusuporta sa akin. Tandaan mo lagi kahit ganito ang katayuan ko ay mananatili ka sa puso ko," dagdag ni Marcelito.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.