'ASAP': Mga batang taga-Zambales nagpabilib sa pagtugtog ng ukulele

ABS-CBN News

Posted at Jan 27 2019 03:51 PM

Pagpasok sa eskuwelahan at paglalaro sa may dalampasigan lamang ang pinagkakaabalahan noon ng mga bata mula Sitio Liw-liwa sa bayan ng San Felipe, Zambales.

Pero nabago ito nang matuto ang mga batang tumutog ng instrumentong ukulele, na naging daan sa pagkakatatag ng grupong You-Kalele Kids Zambales.

Watch more in iWant or TFC.tv

Kuwento ni Karr Cotamora, founder ng grupo, Hulyo 2017 nang magtungo sa kanilang komunidad ang grupong Ukulele Underground Philippines para magturo ng pagtugtog ng ukulele.

Kalaunan daw ay nagustuhan ito ng mga bata hanggang sa magtuloy-tuloy ang kanilang page-ensayo.

“Gusto nila (Ukulele Underground Philippines) magturo ng ukulele sa community namin. Naghanap kami ng mga participants, hindi namin in-expect na sobrang daming pupunta na mga bata,” kuwento ni Cotamora.

“Tapos gusto nila na magtuloy-tuloy 'yong pag-practice nila,” dagdag niya.

Mismong mga magulang pa raw ng mga bata ang nakiusap para dalasan ang pagtuturo ng ukulele sa mga bata.

Opisyal na nabuo noong Oktubre 2017 ang You-Kalele Kids Zambales, na nakapagtanghal na sa iba-ibang okasyon sa kanilang lalawigan at maging sa 4th Philippine Ukulele Festival na idinaos noong Abril ng nakaraang taon sa Quezon City.

Bukod sa nahasa ang talento ng mga bata, naging daan din daw ang grupo para sila ay maging magkakaibigan, makapunta sa malalayong lugar at magkaroon ng pangarap na maging mga musikero.

Itinanghal sa “ASAP” nitong Linggo ng You-Kalele Kids Zambales ang mga awiting “One Day” ni Matisyahu at “Kapayapaan” ng bandang Tropical Depression, kasama sina Sarah Geronimo at Billy Crawford.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.