BALIKAN: Mga bumida sa unang pasabog ng 'Pilipinas Got Talent 6'

ABS-CBN News

Posted at Jan 07 2018 07:59 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Mga halos-hubad na mananayaw at shadow puppeteers ang ilan sa mga nagpaaliw sa pilot episode ng sixth season ng "Pilipinas Got Talent" nitong Sabado.

Unang nagtanghal ang grupong Mama's Boyz, dala ang sangkaterbang eskandalo sa kanilang towel dance. 

Umani naman ng papuri mula sa mga hurado ang Shadow Arts Theater Organization (SATO), na binubuo ng mga kabataan mula sa Palo, Leyte na pawang mga nakaligtas sa hagupit ng bagyong Yolanda noong 2013. 

Handog nila ang isang shadow puppet show na alay para sa mga biktima ng giyera sa Marawi.

Sa kabila nito, napuna ng mga hurado ang saglit na pagkaantalang naranasan ng grupo bago masimulan ang palabas.

Pasabog naman ang isang 67 taong gulang na ginang na pinatunayang hindi alintana ang edad sa paggiling. 

Napahanga ni Angelina Del Rosario ang mga hurado sa kaniyang masiglang pagsayaw.

Deretso semifinals naman ang isang pangkat ng mga maskuladong lalaki mula Baguio nang ibigay sa kanila ng huradong si Freddie Garcia ang "golden buzzer." 

Nagpakitang gilas ang grupong Bardilleranz sa pagsagawa ng mga stunt sa mga pull-up bar.

Mapapanood ang "Pilipinas Got Talent" tuwing Sabado pagkatapos ng "Home Sweetie Home" at Linggo pagkatapos ng "Wansapanataym."

-- Ulat ni Marc Logan, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.