Puro puto! Mosaic ng putong Calasiao, pasok sa Guinness World Records

Noriel Padiernos, ABS-CBN News

Posted at Dec 19 2018 06:08 PM

CALASIAO, Pangasinan - Pasok sa Guinnes World Records ang ginawang "puto mosaic" ng mga residente ng bayang ito noong nakaraang taon.

Noong 2017 nabuo ang puto mosaic na gawa sa 300,000 na iba't ibang kulay na puto. Ginawa ito sa loob ng tatlong araw.

Makikita sa mosaic ang mukha ng isang matandang lalaking sinusubuan ng puto ang isang bata.

Nasa 208 square meters ang laki nito, at ginamitan ng 70 plywood tables para ilatag.

Ngayong taon, nakuha ng bayan ang Guinness World Record para sa "largest rice cake photo mosaic."

Naagaw ng puto mosaic ng Calasiao ang naunang record ng Japan.

Masaya ang mga tindera ng puto sa Calasiao dahil nakatulong ang world record na ito para lalo pang makilala ang bayan sa kanilang produktong puto.

Umaasa rin ang mga residente na makakatulong sa turismo ng bayan ang kanilang bagong record, at para na rin makilala ang iba pang tourist spot sa lugar gaya ng Señor Divino Tesoro Shrine at ang Saints Peter and Paul Parish Church, na isa sa mga pinakamatandang simbahan sa lalawigan.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.