Babaeng 'nabitin' sa ketchup, nag-amok sa fast food restaurant

ABS-CBN News

Posted at Nov 29 2018 05:53 PM | Updated as of Dec 04 2018 01:19 PM

Isang babae sa California ang nakakulong simula Miyerkoles matapos manggulpi at manakal ng manager ng isang fast food chain nang hindi siya mabigyan ng sapat na ketchup.

Ayon sa pulisya, Oktubre 27 nang mag-amok ang 24 anyos na si Mayra Berenice Gallo habang umo-order sa drive-through ng fast food sa Santa Ana, California

Kuwento ng tagapagsalita ng pulisya doon na si Anthony Bertagna, galit na galit si Gallo na bumaba sa kaniyang kotse at saka pumasok sa employee entrance at doon na ginulpi ang manager.

"Nairita siya nang hindi makakuha ng maraming ketchup," ani Bertagna sa panayam ng Agence France-Presse.

Base sa video, natapos lamang ang pag-a-amok ng babae nang awatin ito ng kaniyang kasamang lalaki.

Martes nang maaresto si Gallo base sa natanggap na tip ng pulisya ukol sa kinaroroonan ng suspek.

Pagtataka ni Bertagna, napapadalas na ang ganitong insidente.

"Mayroong lalaki noon sa isang convenient store na sinubukang bumili ng tsokolate ngunit nang ma-decline ang kaniyang credit card ay winasak nito ang tindahan," anang pulis.

—Isinalin mula sa ulat ng Agence France-Presse

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.