Tuloy ang wedding: Lalaki binaril, nagpagamot, tumuloy sa kasal

ABS-CBN News

Posted at Nov 22 2018 05:44 PM

Isang lalaki sa New Delhi, India ang binaril habang sakay ng kalesa patungo sana sa kaniyang kasal. 

Pero kahit may tama ng bala sa balikat, hindi ito nagpatinag at nagpagamot lang nang tatlong oras, at dumeretso din sa pinakaaabangan niyang pakikipag-isang dibdib.

Ayon sa pulisya, ang mga salarin ay nakikisaya pa kunwari sa prusisyon ng 25 anyos na groom.

Dalawang lalaki ang umakyat sa kalesa at pinaputukan ang groom, at tumakas din sa gitna ng kaguluhan.

Matapos tamaan ng bala sa balikat, idineretso ang lalaki sa pagamutan ngunit sinabihan siyang kailangan ng mas matagal na operasyon para maalis ang balang naiwan sa pagitan ng kaniyang shoulder bones.

Pero ang biktima ay nagpabenda na lang muna upang matigil ang pagdurugo. 

Agad itong dumeretso sa kaniyang kasal kung saan naghihintay ang kaniyang bride.

Tinutugis na ang dalawang salarin at sinisilip na rin ang motibo sa krimen, ayon sa mga awtoridad.

Wala pang ulat kung nagpa-opera na ang lalaki para matanggal ang bala. 

—Isinalin mula sa ulat ng Agence France-Presse
 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.