Eroplano pinaaayos dahil 'nangangamoy basang medyas'

ABS-CBN News

Posted at Nov 19 2019 12:11 PM | Updated as of Nov 19 2019 12:43 PM

Pinaaayos sa bansang France ang isang eroplano mula sa teritoryo ng New Caledonia matapos ireklamo ng cabin crew na nangangamoy-basang medyas umano ito. 

Ayon sa airline na Air Caledonie International, unang lumipad ang Airbus A330neo noong Oktubre 4 bilang bahagi ng kanilang pagre-renew ng mga fleet. 

Ngunit paulit-ulit umanong inireklamo ng mga cabin crew na nangangamoy "basang medyas" ang eroplano tuwing lumilipad ito at bumababa. 

Nang imbestigahan ang dahilan, nadiskubreng may mga oil fumes ang eroplano. 

Pero ayon naman sa report ng Airbus na ipinadala sa kompanya, alinsunod naman sa international guidelines ang kalidad ng hangin sa loob ng cabin ng mga flight crew. 

Kinuhanan na rin ng mga blood samples ang mga cabin crew na nakalanghap ng amoy. 

Dalawang linggo nang hindi ginagamit ang eroplano at ililipat na ito sa mga workshop sa siyudad na Toulouse sa France. 

"We are working on a solution to solve odor problems in the cabin of a small number of Airbus A330neo in service," ani Airbus spokesman Sean Lee sa Agence France-Presse. 

Nagkaroon din ng kaparehong reklamo sa ilang airlines sa Portugal at Senegal. 

-- Isinalin mula sa ulat ng Agence France-Presse 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.