Mag-asawa patay nang malaglag sa bundok habang nagse-selfie

ABS-CBN News

Posted at Oct 31 2018 11:59 PM | Updated as of Nov 01 2018 10:02 AM

Patay ang isang mag-asawa mula India matapos malaglag sa Yosemite National Park sa California, USA, habang sila umano ay kumukuha ng selfie.

Ayon sa ulat ng mga mamamahayag sa India at maging ng kanilang pamilya, tingin nila ay nalaglag sina Vishnu Viswanath, 29, at Meenakshi Moorthy, 30, noong nakaraang linggo sa Taft Point, isang tanyag na overlooking spot sa pasyalan na walang mga railing. Narekober ang kanilang mga katawan noong Huwebes. 

Ayon sa kapatid ni Viswanath, naniniwala siyang nagse-selfie ang dalawa, patunay na rito ang kanilang hilig umano sa mga peligrosong libangan. 

Sa isa sa huling Instagram post ni Moorthy, makikita ang retrato niya na nasa bingit ng Grand Canyon na tinawag niyang "daredevilry" o delikado. 

Sa Amerika na nakatira ang dalawa at nagpapatakbo sila ng blog na "Holidays and HappilyEverAfters" tampok ang kanilang mga adventure. 

Iniimbestigahan na ng mga awtoridad ang insidente ngunit maaari raw itong magtagal ng ilang araw.

May taas na halos 800 feet o 245 metro ang pinaghulugan ng katawan ng dalawa. Kinailangan pang gumamit ng helicopter ang rescuers para lang makuha ang kanilang mga bangkay.

Tinatayang 259 tao na sa buong mundo ang namatay habang nagse-selfie, ayon sa huling pag-aaral na nalathala ngayong buwan sa Journal of Family Medicine and Primary Care.

Karamihan sa mga pagkamatay ay naitala sa India, kung saan 159 insidente na ng "selfie-death" ang naiulat simula 2011.

—Isinalin mula sa ulat ng Agence France-Presse

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.