Kalabaw, ipinanganak na may 2 katawan at 8 paa

Charmane Awitan, ABS-CBN News

Posted at Oct 16 2019 09:08 PM

Courtesy of Yamei Orual

CARMEN, Agusan del Norte - Ikinamangha ng mga residente lalo na ng pamilyang Lauro ang isinilang na kalabaw sa may District 11, Macopa, Barabfay Poblacion, Carmen, Agusan del Norte.

May isang ulo ang kalabaw pero dalawa ang katawan nito habang walo naman ang paa. 

Ayon kay Junior Lauro, ngayon pa lang siya nakakita ng ganitong hitsura ng kalabaw.

“Isa ra, duha kabuok lubot, duha kabuok ikog kibale iyang lawas nag ingon ana nga nagsanga iyang lawas mga tiil sa buko buko naa poy tiil sa tiyan kadtong tiil tugbang sa iyang ulo tugbang pud diri sa iyang uwahi niguwa mao toy naa poy tiil iyang gisabak duha,” sabi ni JR Lauro. 

(Isang ulo, dalawang puwet, dalawang buntot, yung katawan niya parang sanga, may paa din siya sa likod, meron din sa may tiyan.)

Alas-9 pa ng umaga nitong Miyerkoles nang maobserbahang sumasakit na ang tiyan ng kalabaw pero alas-3 na ng hapon nailabas ang isinilang na kalabaw na patay na. 

Ayon kay Junior, napilitan silang kunin ang anak na kalabaw upang mailigtas ang ina nito.

Ayon kay Dr. Mancio Alegado ng Butuan City Veterinary Office, kagaya ng mga tao, may mga abnormalities din ang mga hayop gaya na lang sa nangyari sa kalabaw.

Sa ngayon, minomonitor ng pamilyang Lauro ang inang kalabaw dahil nanghihina ito matapos manganak. 

Inilibing naman malapit sa bahay ng pamilya ang namatay na kalabaw.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.