Airport police sa India, pinagbabawas ng pagngiti

ABS-CBN News

Posted at Oct 09 2018 06:14 PM

Ipinag-utos sa mga pulis sa mga paliparan sa India ang pagbawas ng kanilang pagngiti bilang isa sa mga hakbang para mapaigting ang seguridad, ayon sa ulat ng mga lokal na media nitong Martes.

Mula sa "broad smile system" o malaking ngiti, magiging "sufficient smile system" o sapat na ngiti na lang ang paraan ng pagngiti ng mga tauhan ng Central Industrial Security Force (CISF), na nangangasiwa sa seguridad ng mga paliparan, ayon sa ulat ng pahayagang Indian Express. 

Layunin umano ng hakbang na gawing mas "vigilant" o mapagmatyag at maingat sa panganib ang mga pulis sa mga paliparan sa halip na "friendly" o palakaibigan.

Ayon kay CISF director general Rajesh Ranjan, ang pagiging "over-friendly" o labis na palakaibigan ang isa sa mga dahilan kung bakit nangyari ang September 11 attacks sa Amerika noong 2001. 

"We cannot be over-friendly with the passengers because one of the reasons cited as to why 9/11 happened... was excessive reliance on passenger-friendly features," ani Ranjan.

Dagdag pa ni Ranjan, sasanayin din nila ang mga tauhan ng CISF sa "behavioral analysis" o pag-analisa sa pag-uugali ng mga tao.

Nitong nagdaang dekada, tumaas ang bilang ng mga pasahero sa India dahil sa murang pasahe at connectivity o dami ng lugar na maaaring puntahan ng mga eroplano sa isang paliparan.

Nahihirapan naman umano ang mga paliparan sa India na makasabay sa dagsa ng mga pasahero at nagbabala na rin ang mga analyst na kailangang paigtingin ang seguridad sa mga paliparan.

-- Isinalin mula sa ulat ng Agence France-Presse

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.