Lalaki, wagi sa lotto matapos maglinis ng aparador sa Canada

ABS-CBN News

Posted at Oct 08 2018 06:03 PM | Updated as of Oct 09 2018 12:00 PM

Nagbago ang buhay ng isang lalaki sa Montreal, Canada nang mahanap niya ang isang lotto ticket, na binili niya 10 buwan na ang nakalilipas, sa loob ng jacket na nasa nililinis niyang aparador.

Pinilit lamang si Gregorio De Santis ng kaniyang kapatid na babae na linisin ang kaniyang aparador para humanap ng mga lumang damit na maaari nilang ipamigay. 

Pero sa paghalughog niyang iyon, nahanap ni De Santis ang isang lotto ticket na binili niya noong Disyembre 2017, dahilan para mag-uwi siya noong Biyernes ng CAN$1.75 milyon (o nasa P73 milyon).

Ayon sa Loto-Quebec, nang ipa-validate ni De Santis ang kaniyang tiket, inakala raw nito noong una na CAN$1,750 lang ang iuuwi niya.

"When he realized how much he had won, he says his heart almost stopped," sabi ng Loto-Quebec sa isang pahayag.

(Nang mapagtanto niya kung magkano ang kaniyang napanalunan, sabi niya muntik nang tumigil ang puso niya.)

Dekada 70 nang magsimula si De Santis na maglaro at dati na rin siyang nanalo ng CAN$4,000 (o nasa P166,000).

Ayon kay De Santis, balak niyang ilaan ang napanalunan sa kaniyang retirement account o pondo sa pagreretiro.

Hindi naman nabanggit kung may iniregalo ba si De Santis sa kaniyang kapatid na nag-udyok sa kaniyang linisin ang aparador. --Isinalin mula sa ulat ng Agence France-Presse

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.