Manganganak na opisyal sa New Zealand, nagbisikleta papuntang ospital

ABS-CBN News

Posted at Aug 20 2018 03:17 PM

Isang buntis na ministro ng bansang New Zealand ang nagbisikleta upang maisugod ang sarili sa ospital para sa pagsilang ng kaniyang unang anak.

Sa isang Instagram post, ikinuwento ni New Zealand Minister for Women Julie Anne Genter na hindi na raw sila kasya sa sasakyan kaya pinili na lang niyang pumadyak para makarating sa Auckland City Hospital.

May layong isang kilometro ang ospital mula sa bahay ni Genter.

"My partner and I cycled because there wasn't enough room in the car for the support crew," isinulat ni Genter sa caption ng post.

Pero ayon kay Genter, na 42 linggong buntis, napabuti ng pagbisikleta ang kaniyang pakiramdam.

"It also put me in the best possible mood," aniya.

Kinailangan daw niyang pumunta sa ospital para sa induction, na ginagawa sa pagsisimula ng panganganak.

Bukod sa pagiging ministro para sa mga babae, associate minister din siya para sa transportasyon ng New Zealand. -- Isinalin mula sa ulat ng Agence France-Presse

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.