PANOORIN: Baka namataang tumatakbo sa Iloilo City

Jennifer Garcia Hernandez, ABS-CBN News

Posted at Aug 05 2020 05:29 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Baka naman?

Matapos makuhanan ang pambihirang eksena ng isang ostrich na tumatakbo sa Quezon City at baboy na hinahabol sa kalsada sa Cebu, isang baka naman ang namataang tumatakbo sa isang kalsada sa gitna ng trapiko sa Iloilo City. 

Nakuhanan ng video ang tumatakbong baka sa Benigno Aquino Avenue sa Iloilo City, Miyerkoles ng hapon.

Ayon sa nag-post ng video na si Bep Chavez, bigla na lang niyang nakita na tumatakbo sa highway ang baka na hinahabol naman ng isang traffic police na nagbabantay sa lugar.

Hindi pa malaman kung paano umabot sa highway ang baka.

Nauna na rito, ikinatuwa ng mga motorista sa Cebu City ang baboy na nakitang tumatakbo at hinahabol sa Banilad Flyover, Miyerkoles naman ng umaga.

Sa video na kuha ng netizen na si Adnan Pacasum, makikitang hinahabol ng dalawang lalaki ang baboy sa gilid ng flyover.

Sabi ni Pacasum na dali-dali niyang nakuhanan ng video ang kakaibang pangyayari dahil kung may tumatakbong ostrich sa Quezon City, mayroon ding running pig sa Cebu.

Ayon sa Cebu City Transportation Office, hindi naman naging sanhi ng matinding traffic at panganib sa mga motorista ang nakawalang baboy dahil nahuli agad ito.

Noong Martes naman, nag-viral sa social media ang ginawang pagtakas ng dalawang ostrich sa isang subdivision sa Quezon City nitong Martes.