Lalaki sa US huli matapos bumili ng sports car gamit ang utang sa gobyerno

ABS-CBN News

Posted at Aug 05 2020 11:01 AM

WASHINGTON - Arestado ang isang lalaki sa Texas matapos bumili ng isang luxury sports car na nagkakahalagang $200,000 (halos P9,811,100) gamit ang government aid. 

Kinasuhan ng fraud si Lee Price III, 29 anyos, matapos makakuha ng dalawang government loan na nagkakahalagang $1.6 milyon (P78 milyon) sa ilalim ng Paycheck Protection Program, ayon sa Justice Department. 

Bumili ng sports car, mamahaling relo, bahay, isang F-350 pickup truck ang lalaki. Ginastos din umano niya ang pera sa isang Houston strip club, ayon sa pahayag. 

Ayon sa reklamong inihain laban kay Price, nakuha nito ang $900,000 para sa Price Enterprise Holdings, at $700,000 naman ang nakuha niya para sa 713 Construction. Pero nabatid na walang ni-isang empleyado ang parehong kompanya at ang nakalistang chief executive officer pala ng 713 Construction ay namatay na noong Abril 2020. 

Inaprubahan ng Kongreso sa Amerika ang naturang programa para matulungan ang mga maliliit na negosyo ngayong may coronavirus disease 2019 (COVID-19). 

-- Isinalin mula sa ulat ng Agence France-Presse

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.