Flight na-delay dahil sa lasing na piloto

ABS-CBN News

Posted at Jul 31 2018 09:37 AM | Updated as of Jul 31 2018 09:47 AM

Halos 10 oras naantala ang paglipad ng isang eroplano sa Nepal matapos matuklasang lasing pala ang piloto nito, sabi ng mga opisyal ng paliparan noong Lunes.

Inalerto ng crew members ang mga tauhan ng paliparan matapos paghinalaang lasing ang piloto, kalahating oras bago nakatakdang lumipad ang eroplano papuntang Dubai noong umaga ng Linggo.

Isang medical test ang nagkumpirma sa kalasingan ng piloto, ayon kay Tribhuvan International Airport general manager Raj Kumar Chettri.

Kalaunan ay nakalipad din ang FlyDubai flight pero ibang crew na ang kasama ng 154 pasahero.

Hindi na ibinunyag ng mga awtoridad ang nasyonalidad ng lasing na piloto.

-- Isinalin mula sa ulat ng Agence France-Presse

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.