Dahil mainit: 2 drug suspect na na-trap sa shipment huli nang tumawag ng pulis

ABS-CBN News

Posted at Jul 27 2019 09:42 PM | Updated as of Jul 27 2019 10:08 PM

BRUSSELS - Naaresto ang dalawang umano'y drug suspect nang ma-trap umano sila sa metal box na naglalaman umano ng droga sa isang port sa Antwerp. 

Hindi na umano kinaya ng dalawang suspek ang init sa loob ng shipment kaya tumawag sila ng pulis, ayon sa mga awtoridad. 

Nataon pa na pumalo ng 40 degrees Celsius ang temperatura sa siyudad noong araw na iyon na umano'y pinakamainit na naitala sa Belgium. 

Inabot ng dalawang oras bago matunton ng mga awtoridad ang lalagyan. 

Nang buksan ng pulisya ang pinto, kusa nang sumuko ang dalawang suspek na tila pagod sa nangyari. 

Sa isang social media video, makikita ang mga empleyado ng pantalan na binubuhusan ng tubig ang dalawang suspek. 

Ayon sa mga awtoridad, pumasok ang mga lalaki sa container para magtanggal umano roon ng droga. 

Nakapiit ngayon ang mga suspek. 

Ayon sa ulat ng the Gazet, tantiya ng mga awtoridad na aabot sa daan-daang kilo ang nakalap na droga sa shipment. 

Aabot sa 50 toneladang cocaine mula sa Latin America ang narekord sa port ng Belgium noong nakaraang taon, na umano'y pinakamalaki. 

-- Isinalin mula sa ulat ng Agence France-Presse

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.