World record? Lalaki halos 5 araw umupo sa inidoro

ABS-CBN News

Posted at Jul 13 2019 06:34 PM

Umupo ang Belgian na si Jimmy de Frenne ng halos 5 araw sa isang toilet upang subukang makamit ang world record. Kuha noong July 11, 2019. Johanna Geron, Reuters 


Isang lalaki mula sa Belgium ang umupo sa inidoro sa loob ng 116 oras o halos 5 araw noong nakaraang linggo upang subukang makapagtala ng isang world record.

Kinilala ang lalaki bilang si Jimmy De Frenne, 48.

Ipinuwesto ang inidoro sa gitna ng isang bar kung saan balak sanang umupo ni De Frenne sa loob ng 165 oras pero hindi na niya kinaya matapos ang 116 oras noong Biyernes. 

Bukas sa buong 5 araw ang Filip's Place, ang bar kung nasaan ang inidorong inupuan ni De Frenne, para mabisita siya ng mga kaibigan at pamilya. 

Binigyan si De Frenne ng 5 minutong break kada oras, na maaari niyang ipunin para makatulog ng ilang oras.

Kinailangan din ni De Frenne ng toilet break mula sa inidoro dahil hindi ito nakakonekta sa poso negro. 

Sabi ni De Frenne, ginawa niya ito bilang "self-mockery" o para pagtawanan ang kaniyang sarili. 

Wala pang opisyal na pahayag ang Guinness World Records pero ayon kay De Frenne, mayroon nang naunang sumubok sa kaniyang ginawa pero tumagal lamang ito ng 100 oras. 

— Isinalin mula sa ulat ng Reuters
 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.