India, nangakong iimbestigahan ang pagkamatay ng elepante dahil sa paputok

ABS-CBN News

Posted at Jun 06 2020 10:15 PM

Nangako ang India noong Huwebes na iimbestigahan nito ang pagkamatay ng buntis na elepante matapos makakain ng prutas na may paputok, na tahasang kinondena ng publiko pati na rin ng mga cricket at Bollywood stars. 

Namatay ang elepante noong isang linggo sa southern state ng Kerala. Ipinapakita ng insidente ang lumalaking problema sa Timog Asya dahil sa kawalan ng tirahan ng mga hayop gawa ng deforestation at urbanisasyon ng mga tao. 

Sa isang viral video, makikita na nakatayo nang ilang oras ang nanghihinang elepante sa ilog, na sugatan ang bibig at trunk, dahilan para ipanawagan ng publiko ang pagkadakip sa maysala para maparusahan o ipapatay. 

Sa social media idinaan ng cricket captain ng India na si Virat Kohli ang pagkadismaya nito sa nangyari, habang nag-tweet naman si Bollywood megastar Akshay Kumar na "heartbreaking, inhumane" at "unacceptable" and insidente. 

Nangako naman ang environment at forest minister ng India na aaksyunan nito ang pagkamatay ng hayop. 

Maaaring hindi sadya ang insidente, na iniimbestigahan pa rin hanggang ngayon ng pulisya. 

Ginagawa ng mahihirap na residente sa India, Sri Lanka, at iba pang bansa, ang paglalagay ng paputok sa loob ng prutas, na nagsisilbing pressure-activated landmines, para protektahan ang mga bahay nito at pananim laban sa mababangis na hayop. 

May insidente rin ang naitala sa kalapit na distrito sa Kerala, kung saan namataan ang isang babaeng elepante na sugatan din ang bibig. 

Halos 2,361 na ang mga namamatay na tao dahil sa pag-atake ng mga elepante sa India, sa pagitan ng taong 2014 at 2019 ayon sa datos na nakalap mula sa Indian government. 

Sa mga nasabing taon, nasa 510 na elepante naman ang namatay, kung saan 333 ang na-electrocute at 100 ang hinuli o nalason, ayon pa sa datos. --Isinalin mula sa ulat ng Agence France-Presse

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.