Britain dinepensahan ang 'sex ban' laban sa pagkalat ng coronavirus

ABS-CBN News

Posted at Jun 03 2020 02:40 PM

Editor's Note: May mga tinatalakay na seksuwal at hindi pambatang paksa ang artikulong ito. Mahalaga ang wastong paggabay sa mga wala pa sa tamang edad o disposisyon para magbasa o umintindi ng ganitong mga bagay. 

LONDON - Ipinagtanggol ng British government ang kanilang lockdown rules sa coronavirus, matapos ipalabas ng ilan na may probisyon ito kung saan ipinagbabawal ang pagtatalik maging sa mga pribadong lugar. 

Kasunod ito ng pag-arangkada ng kanilang bagong lockdown rules kung saan ipinagbabawal ang pagtitipon sa mga pribadong lugar sa pagitan ng 2 o higit pang katao. 

Tinawag itong "bonking (sex) ban" ng ilang pahayagan, bagay na nag-trend sa Twitter sa Britain, kung saan iginiit ng ilang netizen na puwedeng gawin ang pagtatalik sa mga outdoor area. 

Gusto lamang protektahan ng mga patakaran ang publiko laban sa pagkalat ng coronavirus, ayon kay British Housing Minister Simon Clarke sa panayam sa BBC radio. 

"It's vitally important, clearly, that people stay in their home and we don't have any additional transmission risk in society, and this is obviously a key step to making this sustainable," aniya.

Hindi naman direktang sinagot ni Clarke kung pinapayagan ang “outdoor sex” o pakikipagtalik sa labas. 

"It's fair to say the transmission risk for coronavirus in the open air is much lower than in internal spaces," ani Clarke. 

"We obviously do not encourage people to be doing anything like that outside at this time or any other."

Sa ilalim ng mga bagong anti-coronavirus measures ng Britain, aaaring lumabas ang grupong may 6 tao para sa outdoor activities gaya ng pag-e-ehersisyo at pag-barbecue. 

Pero ipinagbabawal ang pagtitipon sa loob ng bahay sa pagitan ng 2 o mahigit pang katao. 

Mahaharap sa £100 (katumbas ng halos P6,300) multa ang mga lalabag sa patakaran. Pero sinabi na ng gobyerno na walang poder ang pulis na pumasok sa mga bahay ng mga residente maliban na lang kung may suspetsang may nagawang krimen sa loob.

Nagbabala na ang pulisya na posibleng mahirapan sila sa paninita ngayong dumami na ang mga nagtitipon sa mga parke at mga beach.

Nitong Martes, nakapagtala na ng higit 277,000 kaso ng COVID-19 sa United Kingdom, kung saan 39,369 ang namatay, ayon sa datos ng British government.

— Isinalin mula sa ulat ng Agence France-Presse 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.