4 bubuyog natagpuan sa mata ng isang babae

ABS-CBN News

Posted at Apr 10 2019 02:48 PM

Umaasa ang Taiwanese national na si He na impeksiyon lang ang kailangan niyang gamutin nang siya'y magpatingin ng kaniyang namamagang mata sa Fooyin University Hospital.

Laking gulat niya nang matagpuan ng mga doktor ang 4 na bubuyog na naninirahan sa ilalim ng kaniyang eyelid o takipmata. 

Kinakain din umano ng mga bubuyog ang luha ng mga babae. 

Sa ulat ng CTS news ikinuwento umano ni He na inaayos niya ang puntod ng kaniyang kaanak nang maramdamang may pumasok sa kaniyang mata. 

Inakala noon ni He na lupa lang ang pumasok sa kaniyang mata kaya niya ito hinugasan gamit ng tubig. Ngunit kinalauna'y namaga at nakaramdam ng matinding sakit sa kaniyang takipmata ang Taiwanese na si He. 

Agad na pumunta sa ospital si He sumunod na araw para magpatingin sa doktor. Ngunit nang tingnan ng doktor ang mata ng babae, nakita niya ang mga paa ng insekto. 

Sa isang press conference, sinabi ni Hung Chi-ting, head of opthalmology ng ospital, na kinailangan pa nilang i-extract ang mga bubuyog nang hindi nakakapinsala sa katawan ng mga bubuyog. 

Maituturing Halictidae o "sweat bees" ang mga bubuyog na pumasok sa mata ni He. 

Nahuhumaling ang mga naturang bubuyog sa pawis at namamalagi sa mga kabundukan at sa mga puntod kaya maaari aniyang nakuha ni He ang bubuyog habang naglilinis ng puntod ng kaanak. 

Ayon pa kay Hung, naisalba ang paningin ni He sa hindi niya pagkalikot sa kaniyang mga mata. 

-- Isinalin mula sa ulat ng The Guardian

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.