Honor student bitbit ang K-Pop standee sa pagtanggap ng award

ABS-CBN News

Posted at Apr 06 2019 07:50 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Agaw-atensiyon ang isang estudyante matapos niyang tanggapin ang kaniyang High Honors Award bitbit ang standee ng iniidolong K-pop member sa kaniyang "Moving Up Day."

Nag-viral sa social media ang post ng Grade 10 student na si Joyce Miranda na bitbit sa entablado ang standee ni Chan ng Korean group iKON. 

Sa panayam sa ABS-CBN News, ipinaliwanag ni Miranda na nagsilbing inspirasyon si Chan sa kaniyang pag-aaral. 

“Isa po siya sa dahilan kung bakit nagka-high honor ako. Pag down days, pinapanood ko sila and then nagiging happy tapos motivation na rin sa school," aniya. 

Nagsilbi rin aniyang inspirasyon ang isang fan na nagdala ng standee ng isa pang K-pop star sa kanilang JS prom. 

Taong 2017 nang mapansin ni Miranda ang Korean group. Punong-puno pa ng mga poster ng iKON ang kaniyang kuwarto. Mayroon pang mga iba't ibang merchandise gaya ng headband at pamaypay. 

Naimpluensyahan na rin niya ang kaniyang mga kamag-anak sa pagtangkilik sa grupo. 

Nagulat naman ang lola ni Miranda na si Romana Salgado, sa ginawa ng kaniyang apo sa entablado. 

"Pumunta kami sa stage, nagulat ako kasi kinuha 'yung ano (standee), nagsisigawan mga classmate niya, pati ako nagpicture," aniya. 

Sa kabila nito, suportado naman ni Salgado ang kaniyang apo. 

“Basta hindi nila pabayaan pag-aaral niya ganun, kung anong gusto niya suportado kami," ani Salgado. 

-- Ulat ni Dianne Dy, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.