Quarantine violators sa Bacoor dinampot, dinala sa sementeryo para 'takutin' sa COVID-19

ABS-CBN News

Posted at Apr 01 2020 05:01 PM | Updated as of Apr 01 2020 09:38 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

MAYNILA — Nasa higit 80 residente ng Bacoor City, Cavite ang dinampot ng mga awtoridad nitong Miyerkoles dahil sa paglabag sa quarantine na ipinatutupad bilang pagkontra sa pagkalat ng COVID-19.

Sinuyod ng mga pulis nitong tanghali ang mga kalye sa iba't ibang barangay sa Bacoor at napansin nila na marami pa rin ang nasa labas ng mga bahay kahit na ipinapatupad ang enhanced community quarantine sa Luzon.

Isa-isang sinita ang mga naglalakad sa kalsada at hinanapan ng quarantine pass. Ang walang maipakita ay diretso sa sasakyan ng mga pulis.

Nasa 81 ang nahuli kabilang ang 13 menor de edad.

Pero kung ang ibang lokalidad ay pagparada lang ng kabaong ang panakot sa mga lumalabag sa quarantine order, sa Bacoor City ay tinodo na ang pananakot sa violators at dinala sila sa sementeryo para maipakita umano ang kahahantungan nila sakaling masapul ng COVID-19.

"Bakit andito kayo sa sementeryo? Dahil ang lugar na ito ang pinaka-safe na lang dito na hindi tayo magkahawa-hawa. Kahit ano gawin niyo hindi na makakahawa ang mga patay na 'yan. Gusto niyong sumunod dyan?" pananakot ng hepe ng Bacoor City police Lt. Col. Vicente Cabatingan.

Matapos maisailalim sa seminar, pinauwi na din ang mga dinampot.

Sa huling bulletin ng Bacoor City, nasa 16 na ang postibong kaso ng COVID-19 sa lunsod at 4 na ang namatay.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.