'Stay at home': Kabaong ginawang barikada sa Bataan checkpoint para quarantine masundan

ABS-CBN News

Posted at Mar 25 2020 10:19 AM

Pakana ito ng barangay sa pamumuno ng chairman na si Marvin Dela Cruz, na layong bawasan ang pagsuway sa mga patakaran sa quarantine. Photos Courtesy: Marvin Dela Cruz at Mike Cigaral

Para umano maging maliwanag sa taong-bayan ang banta ng coronavirus disease 2019 (COVID-19), napilitan ang pamunuan ng isang barangay sa Orani, Bataan na maglatag ng mga kabaong sa quarantine checkpoints sa lugar.

Dalawang kabaong ang inilagay sa entry at exit checkpoints sa Barangay Mulawin, at nakapaskil dito ang mensahe na: “Stay at home or stay here. COVID-19 is real.”

Pakana ito ng barangay sa pamumuno ng chairman na si Marvin Dela Cruz, na layong bawasan ang pagsuway sa mga patakaran sa quarantine.

Binalaan din ni Dela Cruz ang mga kinasasakupan niya na sumunod sa mga patakaran kung gusto pang humaba ang buhay.

Isinailalim sa extreme enhanced community quarantine ang buong Luzon, kung saan ipinagbabawal - maliban sa pagbili ng mga mahahalagang gamit - ang paglabas sa bahay, para mapigilan ang pagkalat ng COVID-19

Ipinatupad na rin ang 24 oras na curfew sa bayan ng Orani.

—Ulat ni Rod Izon, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.