Paslit nakalunok ng perdible

Ria Galiste, ABS-CBN News

Posted at Feb 21 2017 05:02 PM | Updated as of Feb 21 2017 06:35 PM

VIGAN - Dinala sa ospital ang isang bata sa Brgy. Caraisan, Magsingal, Ilocos Sur matapos nitong makalunok ng safety pin o perdible.

Ayon sa nanay ng isang taong gulang na bata, hindi niya napansin na naglalaro ng perdible ang kanyang anak.

Nagulat na lang si Antonette Valle nang biglang umiyak ang kanyang anak at sinabing masakit ang lalamunan nito.

“Noong pinilit kong buksan 'yung bibig niya, nakita ko na nasa lalamunan na niya. Iyak nang iyak kahapon. Kapag lumunok siya, ayon, umiiyak,” ayon kay Valle.

Agad nilang dinala sa ospital ang bata kung saan ito inoperahan para matanggal ang perdible sa lalamunan. 

Pero ayon sa mga doktor, hindi naman malalim ang sugat ng bata at wala raw komplikasyon mula sa insidente.

Sa kabila nito, papainumin pa rin ng antibiotics ang bata para masigurong walang impeksyong idudulot ang sugat.

Payo ng mga safety expert na ilayo ang mga matutulis at matatalas na bagay sa mga bata.