Edible underwear, enchanted rose: mga kakaibang pangregalo ngayong Valentine’s Day

Justin Aguilar, ABS-CBN News

Posted at Feb 08 2019 11:46 PM | Updated as of Feb 10 2019 07:19 PM

Mabibili ang edible underwear na ito sa flavors na strawberry, mango, banana, at lemon. ABS-CBN News

BAGUIO - Isang cake artist sa Baguio City ang may itinitindang kakaibang pangregalo ngayong Araw ng mga Puso.

Ayon kay Regina Milan, ang edible underwear ay may mala-tela na material na pastry.

Watch more in iWant or TFC.tv

“Originally, ginagamit ko siya for flowers, pero since medyo malikot yung kaisipan natin, naisipan kong gawin yung mga ganito. Pwede kasi siya sa mga damit, kunwari sa Barbie, sa mga cakes, so naisip kong gawin yung ganito kasi malapit na rin yung Valentines,” ani Milan.

Pwede itong suotin at kainin. Mabibili ito sa flavors na strawberry, mango, banana, at lemon.

Mula pa sa bansang Ecuador ang rosas na napakaloob dito at prinoseso para tumagal ng dalawa hanggang tatlong taon. ABS-CBN News

Samantala, enchanted rose naman ang itinitinda ng mag-asawang Rowela at Miguel Bautista mula Beckel, La Trinidad.

Ang rosas ay mula pa sa bansang Ecuador at prinoseso para tumagal ng dalawa hanggang tatlong taon.

Kung gusto namang may kasamang wine, rosas, at alahas, perfect ang kanilang surprise box.

“Kung gusto nilang paglagyan ng personal stuff, pwede. Pwedeng i-reuse yung mga box. For example ito, pag tuyo na yung flowers, pwede mo nang gamitin sa ibang bagay yung box,” ani Rowela Bautista.

At kung gusting magpropose, mayroon silang preserved rose na perfect lagyan ng singsing.

Nagkakahalaga ang kanilang mga paninda ng P500 hanggang P5,000 depende sa dami ng mga bulaklak at iba pang regalong isasama sa mga kahon.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.