Magkasintahan kinasal sa sementeryo sa Ilocos Norte

Grace Alba, ABS-CBN News

Posted at Jan 27 2019 07:42 PM

Ikinasal sina Vicky Martin at John Schaw sa harap ng puntod ng ama ni Vicky sa isang sementeryo sa Solsona, Ilocos Norte. Grace Alba, ABS-CBN News

ILOCOS NORTE — Ika nga nila, "Sa hinaba-haba ng prusisyon, sa simbahan din ang tuloy."

Pero hindi sa simbahan idinaos ang seremonya ng pag-iisang dibdib ng pares na binubuo ng Pinay na si Vicky Martin at Australyano na si John Schaw. Sa halip, sa sementeryo sila nagpalitan ng "I do."

Ikinasal noong Sabado sina Vicky, 45, at John, 56, sa harap ng puntod ng ama ni Vicky sa isang sementeryo sa bayan ng Solsona sa lalawigang ito.

Kuwento ni Vicky, ideya ni John ang ikasal sa sementeryo lalo at alam daw nito kung gaano niya kamahal ang kaniyang ama.

"We got married in his house, in his grace so he can be with us," kuwento ni Vicky.

"It just felt right," sabi naman ni John, na 10 taong kasintahan ni Vicky bago sila ikasal.

Suportado naman ang pares ng kanilang mga kaanak.

"Wala naman akong feeling natakot or something," ani Hermilin Martin, kapatid ni Vicky.

Hindi rin naman daw sila kinuwestiyon ng pastor na nanguna sa seremonya.

"Ang goal naman dito is to preach the gospel," sabi ni Pastor Elmer Bunnao.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.